‘Heightened alert’ itinaas sa mga ahensya ng gobyerno, ngayong Semana Santa

 

CDN Photo - Junjie Mendoza
CDN Photo – Junjie Mendoza

Naka-heightened alert na ngayon ang mga law enforcement at safety units ng pamahalaan, bilang pagtitiyak sa kaligtasan ng publiko sa kasagsagan ng Semana Santa.

Ito ay dahil inaasahan na ang nalalapit na pagdagsa ng maraming tao sa mga pampublikong transportasyon tulad ng mga terminal ng bus, paliparan at pantalan upang bumiyahe sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, sa ilalim ng heightened alert status, titiyakin ng mga ahensya ng pamahalaan ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero ngayong Holy Week.

Mayroon aniyang “Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2017” ang mga ahensya ng pamahalaan, na gagabay at magbabantay sa mga pasahero.

Aniya pa, nagpakalat na ng 75,000 na mga pulis ang Philippine National Police (PNP) para mag-patrulya, hindi lamang ngayong Semana Santa kundi sa buong summer season.

Sa panahong ito kasi madalas dumadami ang mga bumibiyahe para magbakasyon.

Para naman sa mga motorista, inaasahan na ang pagsikip ng daloy ng trapiko maging sa mga toll plazas dahil sa dami ng mga sasakyan.

Dahil dito, magpapakalat na rin ng mga karagdagang tauhan ang Toll Regulatory Board (TRB) sa mga toll plazas.

Oras aniyang umabot na sa 500 meters ang haba ng pila, maglalagay na sila ng karagdagang entry o exit lanes, pati na ng mga reversible o counter-flow lanes.

Tutulong naman na ang Manila International Airport Authority (MIAA) sa Bureau of Immigration (BI) sa pagpapabilis ng pila sa mga immigration counters.

Mahigpit aniyang ibinilin ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng magandang resulta ang mga paghahanda para sa Semana Santa ngayong taon.

Read more...