Mga Pinoy na nagawaran ng pardon sa Saudi, Bahrain at Qatar, iuuwi ni Duterte
Nangako si Pangulong Rodrigo Duterte na sa kanyang pagbabalik sa Pilipinas ay kanyang isasama ang mga OFW na nabigyan ng pardon sa Gitnang Silangan.
Si Pangulong Duterte ay lumipad patungong Middle East kahapon bilang pagsisimula ng ilang araw na opisyal na pagbisita sa mga bansa sa Gulf States ngayong Semana Santa.
Sa kasalukuyan, nasa 5,000 OFW ang nabigyan ng pardon sa Middle East at nakatakdang i-repatriate ng gobyerno.
Sa kanyang byahe, makakausap ni Duterte ang mga lider ng Saudi Arabia, Bahrain at Qatar upang palakasin ang ugnayan ng Pilipinas sa mga naturang bansa.
Malaki aniya ang potensyal upang makakalap ng investment para sa PIlipinas sa kanyang pagbisita sa tatlong kaharian.
Bukod sa hangaring makapag-uwi ng investment at maiuwi ang mga OFW na nabigyan ng pardon, hangarin din ng pangulo na hilingin ang tulong ng tatlong kaharian upang maisulong na ang kapayapaan sa Mindanao.
Kukumustahin rin ng pangulo ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa Saudi Arabia, Bahrain at Qatar sa kanyang pagbisita sa mga naturang kaharian.
Umaabot sa 760,000 Pilipino ang namamalagi sa Saudi Arabia samantalang nasa 60,000 naman sa Bahrain at 250,000 sa Qatar.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.