Away sa loob ng administrasyon hindi totoo ayon kay Duterte
Nilinaw ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang nagaganap na gulo o away sa loob ng kanyang administrasyon.
May kaugnayan ito sa pagsibak ng pangulo kay Office of the Cabinet Secretary (OCS) Undersecretary Maia Chiara Halmen Reina Valdez.
Nilinaw ng pangulo na sinibak si Valdez makaraang sumabit ang kanyang pangalan sa pakikialam sa rice importation sa bansa.
Ipinaliwanag pa ni Duterte na ayaw niya na may mga corrupt officials na nakapaligid sa kanya.
Magugunitang sinibak si Valdez makaraan umano nitong isulong ang pag-aangkat ng bigas ng bansa gamit ang import permit ng mga rice traders samantang government-to-government deal naman ang itinutulak ni National Food Authority Administrator Jason Aquino.
Si Valdez ang sinasabing “foot soldier” ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco at tumatayong kinatawan ng kalihim sa NFA Council na siyang nag-aapruba sa mga rice importation.
Napaulat na rin na si Presidential Special Assistant Bong Go naman ang siyang tumatayong padrino ni Aquino sa pangulo.
Sa kanyang departure speech, muling inatasan ng pangulo ang NFA na sa mga lokal na magsasaka bumili ng bigas ang ahensiya at kapag kinapos ay saka na lamang muling mag-import sa pamamagitan ng sariling pondo ng NFA.
Kanina ay pinayuhan na rin ng Malacañang si Valdez na tumahimik na lamang at iwasan na ang paninira sa kasalukuyang pamunuan ng NFA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.