Mabilising tulong sa mga biktima ng lindol iniutos ng pangulo
Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mabilis na pamimigay ng tulong sa mga apektado ng lindol noong Sabado partikular na sa lalawigan ng Batangas.
Sinabi ng Pangulo na inutusan na niya ang mga concerned government agencies na makipag-ugnayan sa isa’t isa para sa mabilis na tulong sa mga nangangailangan.
Partikular na pinatutukan ng pangulo ay ang pagtiyak na ligtas ang mga gusali na posibleng pagdalhan sa mga residenteng nasiraan ng kani-kanilang mga bahay dulot ng lindol.
Sa kanyang departure speech bago tumulak sa Middle East, sinabi ng pangulo na personal niyang tututukan ang mga kaganapan sa bansa kahit siya’y nasa abroad para sa official visit.
Nauna nang sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOCS) na posibleng tumagal pa ng ilang mga araw ang sunud-sunod na aftershocks na nararamdaman ng mga residente ng Batangas.
Muli namang nanawagan ang PHILVOCS sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng mga balita hingil sa sinasabing mas malakas pang pagyanig dahil wala pa naman umanong naiimbentong teknolohiya para alamin kung kailan magaganap ang eksaktong panahon ng lindol.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.