Inatasan ni Philippine National Police chief Dir. Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa ang buong hanay ng pambansang pulisya na magnilay-nilay ngayong Semana Santa.
Sa kanyang talumpati sa isinagawang regular na flag-raising ceremony sa Camp Crame, sinabi ni PNP chief Dela Rosa na bawat pulis ay dapat na tanungin ang kanilang mga sarili bilang bahagi ng gagawing pagninilay-nilay.
Una, ayon kay Bato ay dapat itanong ng mga pulis sa kanilang sarili kung hindi ba nasayang ang ginawang pagsasakripisyo ng Panginoong Hesukristo matapos na magpapako ito sa krus para tubusin ang ating mga kasalanan.
Pangalawa, dapat tanungin ng mga pulis ang kanilang mga sarili kung nakalimutan na ba nila ang kanilang motto na ‘to protect and to serve’.
Pangatlong dapat pagnilayan ng mga pulis ayon kay Dela Rosa ay kung nagiging makasarili ba sila.
Hangad ni Dela Rosa na positibo ang sagot ng lahat ng pulis sa kanyang tatlong mahahalagang tanong.
Giit ng hepe ng PNP, kung positibo aniya ang sagot dapat itong itama ng mga pulis.
Patuloy ang gagawing pagbabantay ng PNP sa mga vital installations at places of convergence ngayong Holy Week bagaman mayroon namang ilang mga pulis na magbabakasyon din sa kanilang probinsya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.