Sa pagpasok ng Holy Week ngayong Lunes Santo, patuloy na rin ang pagdating ng mga pasaherong pauwi sa kanilang mga probinsya.
Ayon kay Police Supt. Louis Benjie Tremor, Station Commander ng Cubao Police Station, sa kasalukuyan ay nasa normal pa rin ang bilang mga pasaherong dumadagsa sa Araneta Bus Terminal sa Quezon City kumpara sa parehas na panahon noong mga nakaraang taon.
Aniya, isa sa mga maaaring dahilan nito ay ang pagkakaroon pa ng pasok sa trabaho at eskwelahan ng ilan.
Inaasahan na lolobo ang bilang ng mga pasahero pagdating ng Miyerkules Santo.
Dagdag pa ni Tremor na wala pang naiiuulat na insidente ng mga pagnanakaw sa terminal.
Patuloy aniya ang ginagawang mahigpit na seguridad sa lugar para mapanatili ang kaligtasan ng mga pasahero.
Nananatiling naka full alert status ang Philippine National Police ngayong pag-obserba ng Semana Santa.