Arestado ang tatlo katao matapos umanong magpasabog ng improvised explosive device (IED) laban sa mga sundalo sa Cateel, Davao Oriental.
Dalawa sa mga suspek na sina Joedel Nunez at Tantan Bacquiao, ang naaresto ng mga militar matapos i-detonate ang mga pampasabog.
Ayon kay Southern Mindanao police spokesperson Chief Insp. Andrea dela Cerna, naganap ang pagsabog dakong ala-una ng madaling araw ng Sabado, habang binabagtas ng mga sundalo ng 67th Infantry Battalion ang Sitio Magong-ong, sa Brgy, San Rafael.
Tinukoy naman ang isa pang suspek na si Glen Enijada, na naaresto nang mahuli itong papatakas na sakay ng itim na motorsiklong walang plaka.
Narekober ng mga sundalo ang 70-metrong electrical wire, iba’t ibang baterya, blasting cap, isang backpack at isang cell phone mula sa mga suspek.
Samantala, nakatakas naman ang kasabwat ng mga suspek at sinasabing “financier” ng mga ito na si Simeon Pamugas, pero pinaghahanap na ito ng mga otoridad.
Mapalad namang walang nasugatan mula sa mga sundalo dahil sa pagsabog.