Patay sa Egypt church bombings, 37 na; IS, inako ang pag-atake
Umabot na sa 37 katao ang nasawi habang nasa 100 na ang naitalang nasugatan sa pambobomba na naganap sa dalawang simbahan sa Egypt na nasa magkahiwalay na mga lungsod.
Inamin na rin ng Islamic State (IS) group ang nasabing pag-atake sa pamamagitan ng Aamaq news agency.
Ayon sa pahayag ng IS, sila ang gumawa nito bilang pag-atake laban sa Coptic minority ng Egypt, at nangakong mas palalakasin pa ang mga pag-atake laban sa mga Kristyano.
Una nang inakusahan ng IS group ang mga Kristyano na kakampi anila ng mga taga-Kanluran sa mga pag-atake laban sa Islam.
Sa unang pag-atake, isang bomba ang sumabog sa Saint George church sa siyudad ng Tanta sa Nile Delta, kung saan nasa 26 katao ang nasawi, habang mahigit 70 ang nasugatan.
Sinundan naman ito ng pagsabog din sa Saint Mark’s cathedral sa Alexandria kung saan hindi bababa sa 11 ang nasawi habang 35 ang nasugatan.
Naganap ang mga pag-atake ilang linggo bago ang nakatakdang pagbisita doon ni Pope Francis.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.