Nasibak na Undersecretary, pinatatahimik ng Malakanyang
Pinatatahimik na ng Malakanyang si dating Office of the Cabinet Secretary o OCS Undersecretary Maia Chiara Halmen Valdez, na sinibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan dahil sa mga isyu ukol sa importasyon ng bigas.
Sa isang statement, ipinagtanggol ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella ang pagkakatanggal ng pangulo kay Valdez sa posisyon dahil umano sa pagpupumilit nito na palawigin ang rice importation permits, kahit pa tutol ang administrator ng National Food Authority o NFA.
Giit ni Abella, ang aksyon ni Valdez ay hindi napatunayang makakatulong sa mga magsasaka, lalo’t malapit ito sa panahon ng anihan.
Dagdag ng Palace official, sakaling ituloy ang importasyon ng bigas ay labis na makakaapekto ito sa interes ng mga magsasaka.
Binigyang-diin pa ni Abella na ang ‘continued elaborations’ ukol sa usapin na nandadamay pa ng ibang tao ay malisyoso, kaya nararapat na ihinto na.
Si Valdez ay may hold over capacity o appointee ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Siya ay sinibak ng pangulo noong nakalipas na linggo, kung kailan tinanggal din sa pwesto si dating DILG Secretary Ismael Sueno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.