News anchor, ibinalita ang pagkamatay ng sariling mister sa India
Naging isang mistulang bangungot ang pinagdaanan ng isang news anchorwoman sa northeast India makaraang siya mismo ang magprisinta ng balita ng isang malagim na aksidente sa lansangan kung saan isa sa mga biktima ay ang kanya mismong mister.
Gayunman, sa kabila ng trahedya, nagawa pa rin mapanatili ng tagapaghatid-balita na si Supreet Kaur, news presenter ng IBC 24 News na maging kalmado sa kasagsagan ng balita.
Sa live cable telecast ng balita, si Kaur ang nagpakilala sa reporter na naghatid ng ‘live report’ ukol sa banggan ng isang SUV at truck sa bayan ng Pithaura.
At habang ipinapakita ang mga kuha ng video at larawan ng mga sasakyang sangkot sa aksidente at maging ng mga biktima, naghinala na ang anchorwoman na isa sa mga ito ay kanyang asawa.
Sa kabila nito, nagawa pa ring maging kalmado ni Kaur hanggang sa pagtatapos ng ulat.
Naging emosyunal lamang ang mamamahayag nang kanyang makumpirma na ang isa sa tatlong nasawi sa bangaan ay ang kanyang mismong mister pagkatapos ng programa.
Umani naman ng paghanga at pagpuri mula sa kanyang mga kasamahan ang ipinakitang propesyunalismo at katatagan ni Kaur na nanatiling kalmado sa gitna ng trahedya.
Si Kaur ay siyam na taon nang nagsisilbi bilang news anchor ng IBS 24 News sa Central India.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.