DOH, binalaan ang mga magpepenitensya ngayong Semana Santa laban sa tetano
Muling pinaalalahanan ng Department of Health o DOH ang mga mananampalataya lalo na ang mga magpepenitensya ngayong Semana Santa laban sa tetano.
Ayon kay DOH Secretary Paulyn Jean Ubial, kung talagang hindi mapipigilan ng mga deboto na magpenitensya, huwag aniyang kalilimutan na i-sterilize o linising mabuti ang mga pako, latigo at iba pang bagay na gagamitin.
Mainam din aniyang magpa-inject ng anti-tetanus serum.
Ani Ubial, ang tetanus ay maaaring makuha mula sa unstrerilized at may kalawang na mga gamit.
Sinabi ng DOH na ang tetanus ay isang seryosong impeksyon na dulot ng Clostridium tetani, na pwedeng makuha mula sa ‘skin lession, skin cut o puncture wound.’
Posibleng makaapekto ito sa utak at nervous system ng sinuman, at maaaring magbunsod sa kamatayan kung hindi maaagapan o magagamot ng tama.
Kabilang sa mga sintomas nito ay pininigas o stiffness na laman at panga, dugo sa dumi, pagtatae, lagnat, masakit na ulo at sore throat.
Karaniwang nararamdaman ang tetanus pito hanggang sampung araw matapos mukha ang impeksyon.
Sa loob ng maraming taon, naging tradisyon na ng mga deboto ang penitensya gaya ng paghampas sa sarili o pagpapapako sa krus, bilang paraan ng paghingi ng kapatawaran sa Panginoon.
Naging kilala rin ang Pilipinas sa naturang tradisyon, lalo na ang lalawigan ng Pampanga na dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista tuwing Semana Santa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.