Nanguna ang air transport, at architecture at engineering sa inilabas na top 10 highest-paying jobs sa bansa batay sa resulta ng 2014 Occupation Wages Survey ng Philippine Statistics Authority.
Ilan pa sa mga napabilang dito ang mga trabaho sa animated film at cartoon production, produksyon ng petroleum products, pagmimina ng metal ores, insurance, reinsurance, pension funding, at telecommunications.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, dapat alamin ng mga aplikante ang tamang labor market information sa bawat trabaho upang magabayan sa tatahaking propesyon.
Batay sa nasabing listahan, pumapalo sa P156,823 ang buwanang sweldo ng aircraft pilot, navigator at flight engineer.
Sumunod dito ang engineering geologists na sweldong aabot sa P101,471.
Kumikita naman ng P99,658 ang graphic designers at P76,612 ang art directors sa animated film at cartoom production.
Ikalima sa listahan ang industrial machinery mechanics na mayroong buwanang sahod na P76,550 at P71,849 naman para sa mga geologists sa pagmimina.
Pagdating naman sa insurance, reinsurance at pension funding, may average monthly salary itong P56,759 habang P49,646 naman para sa mga chemical-mixing machinery operators.
Napabilang rin ang communications service supervisors na may P48,270 monthly salary at P47,521 naman ang production supervisors.
Kung importante ang halaga ng sweldo, sinabi ni Bureau of Local Employment Director Dominique Rubia-Tutay na ikonsidera ang resulta ng naturang survey.