PNP, may paalala sa mga aalis ng bahay at magsasara ng negosyo para magbakasyon

policeHinimok ng Philippine National Police (PNP) ang mga may-ari ng mga establisyimento tulad ng mga tindahan, bangko, sanglaan, remittance centers, bilihan ng alahas at iba pa, na obserbahan ang kanilang paligid bago mag-bakasyon.

Pinayuhan rin nila ang mga ito na inspeksyunin ang kanilang mga drainage system bago umalis ngayong Semana Santa.

Ito ay para maiwasang mabiktima ng “termite gang” na ang modus operandi ay ang maghukay sa ilalim ng mga establisyimento upang makapasok sa mga ito at makapagnakaw.

Ayon kay PNP spokesperson Senior Supt. Dionardo Carlos, bagaman may 75,000 na pulis silang ipapakalat para magbantay ngayong Holy Week at summer, kailangan pa ring maging mapagmatyag ng publiko.

Payo ni Carlos, pansinin ang mga nasa paligid kung may mga bagong mukha, bagong lipat sa mga kapitbahay, at magsagawa ng 360 degree na inspeksyon lalo na’t long weekend.

Pinaalalahanan niya rin ang mga aalis ng kanilang tahanan para magbakasyon sa darating na long weekend, na i-double check ang kanilang tahanan upang matiyak na ligtas ito mula sa mga magnanakaw, pati na sa sunog.

Kabilang sa mga maaring gawin ay siguruhing nakatanggal sa saksakan ang mga appliances, nakasara ang mga tangke ng gasul, at tiyaking naka-kandado o naka-lock ang lahat ng mga pinto at bintana bago umalis.

Bilang bahagi ng Oplan SumVac (Summer vacation) ng PNP, nagpakalat na ng mga pulis sa mga pantalan, bus terminals at paliparan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga biyahero.

Read more...