2 barangay captain sa QC, kinasuhan ng MMDA dahil sa kapabayaan
Sinampahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga kasong administratibo ang dalawang barangay chair sa Quezon City.
Ito ay dahil sa kabiguan nilang panatilihing maaliwalas ang kanilang mga kalsadang nasasakupan mula sa mga illegally parked na sasakyan at iba pang mga nakakapagpasikip ng daloy ng trapiko.
Nahaharap ngayon sa kasong gross neglect of duty sa Office of the Ombudsman sina Barangay Don Manuel chair Antonio Ma. Benito Calma Jr., at Veterans Village District 1 Area 3 chair Clarito de Jesus.
Ayon sa mga inihaing reklamo, hindi tiniyak nina Calma at De Jesus ang tuluyang pag-alis sa mga sasakyang iligal na naka-parada sa mga kalsada, pati na ng mga vendors at iba pang istruktura.
Ayon kay MMDA general manager Tim Orbos, nagsagawa sila ng clearing operations sa mga nabanggit na lugar noong February 6, at pumayag ang mga opisyal ng barangay na sila na ang mamamahala pagkatapos nito.
Gayunman, nang magsagawa ng inspeksyon ang MMDA noong April 7, doon nakita ng ahensya ang kapabayaan ng dalawang barangay chairs kaya agad silang kinasuhan,
Lumabas kasi na hindi tumalima ang dalawa sa napagkasunduan nilang turnover ng kanilang mga obligasyon.
Giit ng MMDA, kailangang maparusahan sina Calma at De Jesus upang magsilbing babala sa mga katulad nilang opisyal na nagpapabaya sa kanilang tungkulin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.