Mga empleyado ng DENR, nagprotesta laban kay Lopez
Nauwi sa protesta ang mga hinaing ng mga empleyado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi natutuwa sa mga personnel revamp ni Sec. Gina Lopez.
Habang nakasuot ng itim, nagtipun-tipon ang mga empleyadong karamihan ay nagpmula sa Human Resource Development Service (HRDS) office sa labas ng main office ng DENR.
Ginawa nila ito upang suportahan ang dalawang opisyal ng HRDS na ipinapalipat, matapos masisi sa hindi pag-apruba ng Civil Service Commission sa appointee ni Lopez na si undersecretary Philip Camara bilang Provincial Environment and Natural Resources Officer (Penro).
Ilang empleyado pang nasa rally ang nanawagan sa pagpapatalsik kay Camara sa pwesto.
Partikular na nag-aklas ang mga empleyado nang lumabas ang draft order na nag-aatas na ilipat sa ibang posisyon sina HRDS director Rolando Castro at Personnel Division chief Miriam Marcelo.
Isa kasi sa mga dahilan kung bakit hindi naaprubahan ng CSC ang appointment kay Camara, ay ang hindi pagpirma dito ni Marcelo, na bahagi ng patakaran ng civil service.
Ayon sa mga empleyado, ito ang dahilan kung bakit ililipat ni Lopez sa ibang posisyon.
Ayon naman sa CSC, kulang sa civil service professional eligibility si Camara dahil sa hindi pagpirma ni Marcelo, pati na rin sa mismong kakulangan nito sa supervisory at managerial training.
Nang dumating naman si Lopez, tiniyak niya sa mga empleyado na nagkaroon lamang ng miscommunication at misunderstanding sa sitwasyon.
Aniya pa, patuloy na magkakaroon ng lipatan hanggang sa magkaunawaan at magkasundo na ang mga empleyado.
Nagbanta naman ang mga empleyado na kung hindi pa aayusin ni Lopez ang sitwasyon, ay magsasagawa sila ng mas malaking protesta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.