Patay ang hindi bababa sa tatlo katao matapos sumalpok ang isang truck sa isang sikat na department store sa Stockholm, Sweden.
Ayon sa Swedish Security Service, maraming iba pa ang nasugatan dahil sa insidente na nangyari sa isa sa mga pinakamataong lugar sa Stockholm.
Dahil dito, hinihimok ng mga otoridad ang mga tao na manatili na lang muna sa loob ng kanilang mga tahanan at umiwas sa matataong lugar.
Nagpatupad naman ng lockdown sa parliament at sa Stockholm subway.
Itinigil rin ang operasyon sa Stockholm Central Station, na sinundan ng paglikas sa mga taong naroon.
Agad namang sinabi ni Swedish Prime Minister Stefan Lofven na isang terror attack ang nangyari
Naaresto na rin ng mga otoridad ang isa sa mga suspek sa pag-atake.
Bagaman may ilang mga ulat na nagkaroon ng pagpapaputok ng baril sa insidente, ang tanging kinumpirma ng mga pulis ay ang pananagasa lamang ng truck sa mga pedestrians.