Equipment ng PAGASA sa Aparri at Batanes apektado ng bagyong Ineng
Apektado ng sobrang lakas ng hangin ang mga gamit ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa mga lugar na direktang naaapektuhan ng bagyong Ineng.
Sa panayam ng Radyo Inquirer sinabi ni PAGASA forecaster Jun Galang, na bagaman gumagana pa ang kanilang radar sa Aparri, hindi ito makapag-transmit ng data patungo sa PAGASA sa Quezon City.
Apektado din ang weather instrument ng PAGASA sa Batanes. Sinabi ni Galang na bagaman mayroong data na pumapasok ay delayed aniya ng dalawa hanggang tatlong oras. “Ang Aparri radar umanadar pero hindi nakakapag-transmit, ang Batanes weather instrument naman affected ang transmission ng data,” sinabi ni Galang.
Sinabi ni Galang na sa ngayon ay tanging text messaging ang pinakamabilis na pakikipag-ugnayan nila sa mga empleyado ng PAGASA sa Batanes at Aparri.
Binabayo ngayon ng malakas na hangin at ulan ang Northern Luzon dahil sa bagyong Ineng.
Ayon sa PAGASA, masungit ang mararanasang panahon ngayon sa Batanes, Ilocos Norte, Isabela, Kalinga, Apayao, Abra, at Cagayan kabilang na ang Calayan at Babuyan Group of Island dahil sa epekto ng bagyo na halos gumagapang na lamang ang kilos na 7 kilometers kada oras./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.