Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Usec. Alexander Pama, executive director ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC posibleng makaranas ng storm surge ang mga dalampasigan ng Northern Cagayan, partikular ang mga bayan ng Sta. Ana, Buguey, Gonzaga, at Aparri.
Nasa 377 na katao na ang inilikas mula kagabi hanggang kaninang madaling araw mula sa mga bayan ng Gonzaga at Teresita sa Cagayan at mula sa Calayan Islands.
Handa na rin ayon kay Pama ang mga lokal na pamahalaan at ang Provincial disaster office sa Cagayan sakaling kailangan pang maglikas ng mas maraming residente. “Ang taas ng alon ay maaasahan po dahil sa lakas ng hangin. Ang storm surge po ay posibleng maranasan sa dalampasigan ng Northern Cagayan sa Sta. Ana, Buguey, Gonzaga at Aparri. So far wala pa namang naitatalang storm surge pero nag pre-emptive evacuation nap o mula kahapon,” ayon kay Pama
Maliban sa mga lalawigan sa Northern Luzon na apektado ng bagyong Ineng sinabi ni Pama na nakatutok din ang NDRRMC sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan na nakararanas ng pag-ulan dahil sa epekto ng habagat.
Posible kasi ayon kay Pama na hanggang sa Lunes ay maramdaman ang epekto ng habagat na pinalalakas ng bagyong Ineng./ Dona Dominguez-Cargullo