Kumpiyansa si dating Interior and Local Government Sec. Mike Sueno na kung sinuman ang mapipili ni Pangulong Rodrigo Duterte na kapalit niya ay isang ‘wise decision’ kahit si dating Senador Bongbong Marcos.
Sinabi ito ni Sueno sa pagharap niya sa mga kawani ng DILG at media sa huling pagkakataon matapos na sibakin sa posisyon ng pangulo.
Kaugnay nito, inihayag ni Sueno na naka-usap niya si DILG Officer-in-Charge Catalino Cuy at sinabi nito na sana maging permanente na ang pamumuno nito sa kagawaran.
Inilarawan ni Sueno si Cuy na tahimik lamang pero magaling, episyente magtrabaho at napakataas ng integridad.
Gayunman, sinabi aniya sa kanya ni Cuy na mas gusto nito ang tahimik na buhay.
Una nang sinabi ni Cuy na karangalan para sa kanya na mabigyan ng ganoong responsibilidad ng pangulo at nangako na hindi niya sisirain ang tiwala na ibinigay sa kanya.