Panel na mag-iimbestiga sa JVA ng BuCor at TADECO, binuo ng DOJ
Bumuo ng panel ang Department of Justice para suriin ang kasunduan sa lupain sa pagitan ng Bureau of Corrections at Tagum Agricultural Development Company (TADECO) Inc., isang kompanya ng saging, dahil sa umano’y iregularidad.
Pangungunahan ni Chief State Counsel Ricardo Paras III ang panel kasama sina Director Maria Charina Buena Dy-Po, State Counsel Precious Pojas, State Counsel Melvin Suarez, State Counsel Noel Adriaticp, at Atty. Catherine Angela Maralit.
Ayon kay DOJ Secretary Vitaliano Aguirre II, pagtutuunan ng pansin ng fact-finding committee ang umano’y iregularidad at disadvantage na idinulot ng kasunduan sa gobyerno.
Binuo ni Aguirre ang komite sa kahilingan ni House Speaker Pantaleon Alvarez.
Ang kasunduan ay ukol sa joint venture agreement ng TADECO, at BuCor para upahan ang 5.308.36 ektarya ng Davao Prison and Penal Farm sa Panabo City para sa planta ng saging.
Nilagdaan ang kontrata noong 1969 na pinalawig nang karagdagang 25 taon noong 1979. Nagtapos ito noong May 2003.
Gayunman, iginiit ni Alvarez na walang legal na batayan at walang otoridad ang BuCor na gawin ito dahil nang mga panahong iyon, walang batas na pinahihintaulutan ang mga pambansang ahensya ng gobyerno na pumasok sa joint venture agreement sa mga pribadong kompanya.
Paliwanag pa ni Alvarez, dehado ang gobyerno sa kasunduan dahil nakabatay ito sa “low lease rates” na 5,000 piso kada ektarya kada taon, kumpara sa 25,000 piso kada ektarya sa ibang lupain sa lugar.
Ang TADECO ay pag-aari ng pamilya ni Davao Del Norte representative Antonio Floirendo, Jr. na kaibigan ni Alvarez, ngunit hindi na maayos ang ugnayan ng dalawa ngayon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.