Pagpayag na makapag-piyansa si Enrile, “selective justice” ayon sa 4 na mahistrado ng Korte Suprema
Nagdulot ng duda sa pagiging patas at walang kinikilingan ng Korte Suprema ang naging pasya ng pahintulutan na makapag-piyansa si Senador Juan Ponce Enrile sa kabila ng kasong pandarambong na kinakaharap nito sa Sandiganbayan.
Ang pahayag na ito ay laman ng dissenting opinion ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen na nagsabi pang ang bail grant na pasya ng mayorya sa kanyang mga kasamahan ay maituturing na “special accommodation”.
Sa botong 8-4, pinagbigyan ng Kataas-taasang Hukuman ang hiling ni Enrile na siya ay makapag-piyansa. Nahaharap si Enrile sa kasong pandarambong dahil sa umano’y P173-million na kickback sa Priority Development Assistance Fund o PDAF.
“Ang pasya ay hindi lamang bumabangga sa rule of law at naglalagay ng duda sa katatagan ng kabuuang judicial system ng bansa,” ani Leonen sa kanyang dissenting opinion. Sinabi pa ni Leonen na ang pasya kay Enrile ay pagpapakita ng “selective justice”.
Ang pagkakaloob ng pagkakataong makapag-piyansa na ang batayan ay “humanitarian consideration” ay hindi aniya umiiral sa Rules of Court ayon kay Leonen.
Ngunit aa 17-pahinang hatol ng Supreme Court na pinonente ni Associate Justice Lucas Bersamin, nakasaad na dahil sa “solidong reputasyon” ni Enrile sa kanyang pam-publiko at pribadong buhay, mahabang taon na iginugol sa serbisyo publiko, at nakasalalay ang hatol ng kasaysayan sa kanyang pagkatao, nararapat na bigyan siya ng pagkakataong makapag-piyansya”.
Ang kalagayan ng kalusugan ng 91-anyos na senador ay isinaalang-alang din ng Korte Suprema sa kanilang pasya ayon sa 17-pahinang ruling.
Sa kanyang testimonya sa Sandiganbayan, sinabi ni Dr. Jose Gonzales, director ng Philippine General Hospital na si Enrile ay nakararanas ng chronic hypertension, cardiovascular disease, irregular heartbeat, asthma-COPD (Chronic Obstructive Pulmonary Disease) overlap syndrome, eyesight problems, and historical diagnoses of high blood sugar, high cholesterol, gait or balance disorder, upper gastrointestinal bleeding at enlarged prostate.
Nakasaad din sa majority decision na nagkaroon ng “grave abuse of discretion” ang Sandiganbayan nang tanggihan nito ang motion for bail na inihain ng legal counsel ni Enrile.
Nakasaad din sa pasya ng Supreme Court na ang Pilipinas ay bahagi ng pagpapairal ng Universal Declaration of Human Rights./ Gina Salcedo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.