Dahil sa kinakaharap na problema ng kakapusan ng mga tauhan, kinansela ni Bureau of Immigration Commissioner Jaime Morente ang lahat ng ‘leave of absence’ ng mga empleyado ng kawanihan para sa buwang ito.
Ayon kay Morente, kanyang idedeklarang AWOL o absent without official leave ang mga empleyado ng BI kung hindi babalik ang mga ito sa kanilang trabaho sa lalong madaling panahon.
Noong Pebrero, nasa 32 immigration officer ang nagbitiw na sa puwesto samantalang nasa 50 pa ang naghain ng leave of absence ng hangang anim na buwan.
Bago ang pagbibitiw ng 32, nasa 3,000 immigration officers na ang naunang nagbitiw sa puwesto.
Sakaling hindi tumalima na agarang bumalik sa trabaho, ay maaring maharap sa kasong administratibo ang mga kawani ng BI.
Una nang namrublema ang BI dahil sa kakapusan ng mga tauhan na magbabantay sa mga paliparan na nagdudulot ng mahabang pila sa mga immigration lanes.
Inaasahang lalo pang titindi ang sitwasyon sa susunod na linggo kung kailan inaasahang dadagsa ang maraming tao sa mga airports dahil sa Holy Week exodus.
Maraming mga immigration officers ang nagbitiw sa puwesto matapos i-veto ng pangulo na bayaran ang kanilang overtime pay.