Nagbabala ang Department of Health sa publiko na mag-ingat sa pagbili ng mga halu-halo kung saan saan ngayong malapit nang ideklara ang panahon ng tag-init.
Ito’y dahil malaki ang posibilidad na mabiktima ng food poisoning ang sinumang makakakain ng halu-halo na marumi ang pagkakagawa o di kaya ay ginamitan ng marumi o di kaya ay kontaminadong yelo.
Palalala ni Health Secretary Paulyn Jean-Ubial, dapat tiyakin ng mamamayan na malinis ang pinagmumulan at pagkakagawa ng mga binibiling halu-halo sa mga lansangan.
Kung marumi aniya ang preparasyon ng mga sangkap at yelo na ginagamit sa halu-halo, ay posibleng makaranas ng pananakit ng tiyan ang mga makakakain nito.
Ang yelo aniya na ginagamit sa mga halu-halo na nabibili sa mga lansangan ay posibleng pagmulan ng mga bacteria tulad ng salmonella at amoeba na kung makakain ng tao ay posibleng magdulot ng pagsusuka at pagdudumi.