Ayon kay Kadamay chair Gloria Arellano, isang malaking tagumpay para sa mga mahihirap ang pagiging bukas ni Pangulong Duterte sa isyung ito.
Gayunman, umaasa din aniya ang kanilang grupo na silipin at tugunan din ng pangulo ang kabuuan ng problema sa kakulangan ng pabahay sa bansa.
Ayon kay Arellano, napakaraming bahay na itinayo ng pamahalaan ang nananatiling bakante, at umaasa sila na sana ay ipamahagi na lang ang mga ito sa mga mahihirap.
Sana din aniya ay sakop ng nito ang mga abandonadong bahay na kanilang inokupa sa ibang bahagi ng Bulacan, at hindi lang iyong mga nakalaan para sa mga pulis at sundalo.
Matatandaang sa anibersaryo ng Philippine Army, sinabihan ni Duterte ang mga pulis at sundalo na ipaubaya na lamang sa mga miyembro ng Kadamay ang mga bahay na kanilang inokupa.
Kasunod nito ay ipinangako naman niya na pagdating ng Disyembre ay magpapatayo pa ng mas maayos na mga tahanan para sa mga pulis at sundalo.
Pinagsabihan naman ni Duterte ang mga miyembro ng Kadamay na huwag guluhin ang mga pulis at militar na nakatira na sa mga nasabing pabahay.