Kadamay, masaya sa pagpayag ni Pang. Duterte na manatili sila sa mga bahay sa Pandi, Bulacan
Ikinalugod ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na payagan ang kanilang mga miyembro na manitili na lang sa mga pamahay ng gobyerno na kanilang inokupa sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay Kadamay chair Gloria Arellano, isang malaking tagumpay para sa mga mahihirap ang pagiging bukas ni Pangulong Duterte sa isyung ito.
Gayunman, umaasa din aniya ang kanilang grupo na silipin at tugunan din ng pangulo ang kabuuan ng problema sa kakulangan ng pabahay sa bansa.
Ayon kay Arellano, napakaraming bahay na itinayo ng pamahalaan ang nananatiling bakante, at umaasa sila na sana ay ipamahagi na lang ang mga ito sa mga mahihirap.
Sana din aniya ay sakop ng nito ang mga abandonadong bahay na kanilang inokupa sa ibang bahagi ng Bulacan, at hindi lang iyong mga nakalaan para sa mga pulis at sundalo.
Matatandaang sa anibersaryo ng Philippine Army, sinabihan ni Duterte ang mga pulis at sundalo na ipaubaya na lamang sa mga miyembro ng Kadamay ang mga bahay na kanilang inokupa.
Kasunod nito ay ipinangako naman niya na pagdating ng Disyembre ay magpapatayo pa ng mas maayos na mga tahanan para sa mga pulis at sundalo.
Pinagsabihan naman ni Duterte ang mga miyembro ng Kadamay na huwag guluhin ang mga pulis at militar na nakatira na sa mga nasabing pabahay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.