NHA, humihingi ng ‘extension’ para matapos ang pabahay ng mga Yolanda victims
Humihiling ng dagdag na panahon ang National Housing Authority (NHA) para tapusin ang mga bahay na nakalaan para sa mga biktima ng bagyong Yolanda.
Ito’y makaraang mabigo ang ahensya na masunod ang itinakdang deadline ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin ang konstruksyon ng mga naturang bahay nitong nakalipas na buwan ng Marso.
Ayon kay Dorcas Secreto, Eastern Visayas regional estate management specialist ng NHA, ang malimit na naranasang sama ng panahon at mga pag-ulan sa rehiyon ang naging hadlang upang matapos nila ang proyekto sa takdang deadline.
Gayunman, tiniyak nito na matatapos ang karagdagang 2,700 mga tahanan para sa mga Yolanda survivors ngayong buwan ng Abril.
Matatandaang noong November 8, 2016 sa isang talumpati, binigyan ng hanggang March ng pangulo ang mga opisyal ng NHA at mga developer upang tapusin ang mga bahay na nakalaan para sa mga biktima ng Yolanda.
Nang sumapit ang January, muling bumalik ang pangulo, nasa 8,000 pamilya pa ang hindi nakalilipat sa kanilang sariling tahanan.
Dahil dito, nagbanta ang pangulo na kung hindi matatapos ng hanggang March ang mga proyektong pabahay ay paglalakarin niya ng may bitbit na mga krus ang mga opisyal ng mga concerned agencies na may responsibilidad sa proyekto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.