Bongbong Marcos ipapalit kay Sueno ayon sa oposisyon sa Kamara
Inaasahan na ng taga-oposisyon sa Kamara ang pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay DILG Secretary Ismael Sueno.
Ayon kay Akbayan Partylist Rep. Tom Villarin, sinadyang alisin sa posisyon si Sueno upang ang ipalit ay ang kilalang malapit na kaibigan ni Duterte na si dating Senador Bongbong Marcos.
Matagal na aniyang may usap-usapan na ipu-pwesto ni Duterte si Marcos sa DILG kaya sakaling mangyari ito ay huwag na raw magtaka.
Sinipa ni Duterte si Sueno bilang pinuno ng DILG dahil umano sa kawalan na ng tiwala at confidence lalo’t nadadawit ang kalihim sa ilang isyu ng kurapsyon.
Noong kampanya, bagama’t hindi running mate ni Duterte si Marcos ay kapansin-pansin ang pagiging malapit nila sa isa’t isa.
Si Marcos ay natalo noong 2016 Vice Presidential race, kaya uubra lamang siya na maitalaga sa posisyon sa gobyerno kapoag natapos na ang 1-year ban.
Samantala, para kay Davao City Rep. Karlo Nograles, ang pagsibak ni Duterte kay Sueno ay may malakas na mensahe.
Hindi aniya kurap ang pangulo at hindi nito kukunsintihin ang anumang uri ng katiwalian sa pamahalaan.
Kaalyado man o kaibigan at kahit sinuman na naging instrumental sa kanyang kampanya sa halalan ay hindi aniya mangangahas si Duterte na sibakin ang mga ito.
Dagdag ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, bagaman ipinakita lamang ni Duterte na siya ay may political will, mas mainam aniya kung magpaliwanag ang pangulo kung bakit nawala ang kanyang tiwala kay Sueno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.