Sueno: “My conscience is clear…wala akong ginawang anomalya”

Sueno Duterte
Inquirer file photo

Naglabas na ng kanyang pahayag si dating Interior Sec. Mike Sueno kasunod ng pagkakasibak sa kanya sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Sueno na nagpapasalamat siya sa naging tiwala sa kanya ng pangulo at pagkakatalaga bilang kalihim ng DILG.

Pero nilinaw ni Sueno na kailanman ay hindi siya nasangkot sa anumang uri ng kurapsyon tulad ng umano’y ipinupukol na isyu laban sa kanya.

“My conscience is clear, wala akong ginawa o ginagawang anomalya” dagdag pa ng dating kalihim.

Nilinaw rin ni Sueno na hindi totoong pinakialaman niya ang firetruck deal na nauna nang pinasok ng nakalipas na administrasyon mula sa isang supplier na galing sa bansang Austrila.

Ipinaliwanag ni Sueno na personal siyang nagpunta sa Austria para suriin ang mga bibilhing firetrucks ng DILG.

Bilang patunay sinabi ng dating kalihim na higit na mas mura ang mga trak ng bumbero na galing sa Austria kumpara sa mga locally manufactured na firetrucks at mas magaan ang interest na babayaran ng pamahalaan sa loob ng 23 taon.

Sa huli, sinabi ni Sueno na nakahanda siyang sumailalim sa anumang uri ng imbestigasyon para linisin ang kanyang pangalan.

Nauna nang isinumbong si Sueno ng tatlo sa kanyang mga undersecretaries kay Pangulong Duterte dahil sa umano’y pagkakasangkot ng kalihim sa iba’t ibang uri ng katiwalian.

Read more...