Pagsibak kay Sueno may malalim na dahilan ayon sa Malacañang
May mas malalim na dahilan si Pangulong Rodrigo Duterte kung kaya sinibak si Department of Interior and Local Government Secretary Mike Sueno.
Ayon kay Presidential Spokesman Ernesto Abella, hindi lang ang confidential memo ng tatlong nakaaway na undersecretaries ni Sueno ang naging basehan ng pangulo.
Ayon kay Abella, nagsagawa ng sariling imbestigasyon si Pangulong Duterte at huwag kalimutang siya ay isang abugado.
“Apparently, the President has done due diligence and so he has checked into the matter and some people — some, you know, and apparently he has taken”, paliwanag ng kalihim
Nabanggit pa ni Abella na sa unang bahagi ng cabinet meeting kagabi tinanong pa ng pangulo si Sueno tungkol sa mga isyung ipinupukol sa kanya pero sa closing remarks ng pangulo nito inanunsyo ang desisyong paalisin na sa gabinete ang opisyal.
Nagkaroon pa daw ng konting sagutan o palitan ng pahayag sina Sueno at Pangulong Duterte pero hindi naman nagkainitan.
Sa ngayon ay wala pa namang inihahayag ang Malacañang na maaaring ipalit kay Sueno kahit na lumulutang na ang pangalan ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Ayon kay Abella, hindi nabanggit sa cabinet meeting kagabi ang pangalan ni Marcos na maaring pumalit kay Sueno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.