Simula bukas, April 5, ilalagay na sa mataas na antas ng alerto ang lahat ng unit at tauhan ng Philippine Coast Guard.
Ayon kay Coast Guard Officer in Charge Commodre Joel Garcia, bahagi ito ng paghahanda sa mga pantalan na inaasahang dadagsain ng libu-libong pasahero na mag-uuwian sa mga lalawigan dahil sa paggunita sa Mahal na Araw.
Tatagal nang hanggang April 20 ang mataas na alerto kung saan sa ilalim nito, maghihigpit ng seguridad at bahagi nito ay ang pagtatalaga ng passengers assistance center.
Bukod sa PCG, katuwang sa pangangasiwa ng public assistance center ang Department of Transportation, Philippine Ports Authority, Philippine National Police at mga auxillary ng PCG.
Dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan, paalala ng PCG, tatlong oras bago ang boarding time kailangang nasa pantalan na ang mga maglalayag.
Mahigpit din na ipinagbabawal ang mga flammable liquid, solid and compressed gases, explosives, baril at mga bala nang walang kaukulang dokumento at clearances.
Para naman sa mga sasakay ng mga banka, ipinaalala ng PCG na magsuot ng life vest sa lahat ng oras.