Tatlong araw bago ang Holy Week, nagsimula bumuhos ang mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.
Inaasahan na dadagsain ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang probinsya ang NAIA sa paggunita sa Semana Santa.
Alas kwatro pa lang ng madaling araw, ay mahaba na ang pila ng mga pasahero at ng mga sasakyan sa NAIA Terminal 3.
Lumalabas din sa record ng NAIA na halos fully booked na ang mga international flights dahil sa dami ng magbabakasyon naman sa ibang bansa ngayong Holy Week.
Maging ang daloy ng trapiko mula Rotonda patungong Andrews Avenue ay bumagal na din dahil sa dami ng mga pumapasok sa paliparan.
Kasabay nito, nagpahayag naman ng pagkabahala si NAIA General Manager Ed Monreal ukol sa sabay-sabay na pagle-leave ng mga Immigration officers lalo na ngayon na inaasahang mataas ang volume ng mga pasahero.
Noong nakaraang Linggo, maraming pasahero ang nagreklamo dahil sa mahabang pila sa Immigration counters sa NAIA.
Dahil absent ang ibang Immigration officers, tatlong Immigration counters lamang ang naging available.
Kung kaya abiso ni Monreal sa mga pasahero, agahan ang pagpunta sa airport para maagang makapag-check in, makaalis agad at hindi maiwanan ng eroplano.