Estudyante, nalunod sa beach sa Dagupan City

 

Lunes na ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng isang 16-anyos na estudyanteng taga-Bulacan na nalunod sa Tondaligan beach sa Dagupan City sa Pangasinan.

Kinilala ang biktima na si Paul Carpio, residente ng Barangay Pulong Yantok sa Angat, Bulacan.

Kasama ni Carpio ang dalawa niyang pinsan na naliligo sa nasabing public beach, nang bigla silang salubungin ng malaking alon bago mag-tanghali nang Linggo.

Nabitiw si Carpio sa salbabida na ginagamit niyang pampalutang, at natangay ng malakas na agos ng tubig pabalik ng Lingayen Gulf.

Ayon sa pulisya, sinubukan pa ng kaniyang mga pinsan na sagipin si Carpio ngunit nabigo lang din ang mga ito.

Sinuyod ng mga life guards ng pamahalaan ang lugar kung saan huling nakita si Carpio ngunit hindi rin nila ito mahanap.

Nakita na lamang ang bangkay ni Carpio na palutang-lutang sa malapit sa isang beach front subdivision dakong alas-6:00 ng umaga ng Lunes.

Ito ang kauna-unahang insidente ng pagkalunod sa lugar ngayong taon ayon sa pulisya.

Read more...