Binawi ng isang transport group ang nauna nilang panawagan ng pagsasagawa ng tatlong araw na nationwide strike laban sa jeepney modernization program.
Ito’y matapos ng kanilang dayalogo kasama ang mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon sa presidente ng Samahan ng Tsuper at Operator ng Pilipinas Genuine Organization (Stop & Go) Transport Coalition na si Jun Magno, hindi na nila isusulong ang nasabing strike hanggang hindi pa inilalabas ang guidelines ng LTFRB at Department of Transportation (DOTr) tungkol sa programa.
Gayunman, nanindigan si Magno na sakali mang hindi maging patas para sa mga drivers ang magiging guidelines, hindi sila mag-aatubili na bumalik sa kalsada at doon ilabas ang kanilang hinaing.
Sa ngayon aniya, maayos pa ang relasyon sa pagitan ng Stop & Go at ng DOTr, at handa naman silang makipagtulungan sa kagawaran para sa ikabubuti ng transport sector.
Masyado pa aniyang maaga para gumawa na sila ng mga hakbang para kontrahin ang modernization program.