11 na ang patay sa St. Petersburg train bombing

By Den Macaranas, Kabie Aenlle April 04, 2017 - 04:06 AM

 

Itinaas na ng Russian Anti-Terrorist Committee sa labing-isa ang kumpirmadong nasawi habang hindi bababa sa 20 ang sugatan sa dalawang pagsabog sa tren sa St. Petersburg sa Russia.

Ayon mismo kay Russian President Vladimir Putin, isa ang terorismo sa hinihinalang posibleng dahilan ng pagsabog sa St. Petersburg Metro, pero masyado pa aniyang maaga para kumpirmahin ito.

Sinabi ni Kremlin Spokesman Dmitry Peskov na ipinag-utos na ni Russian President Vladimir Putin ang masusing imbestigasyon sa nasabing pag-atake.

Kumalat sa social media ang mga litrato at videos kung saan makikitang nawasak ang isa sa mga pinto ng tren dahil sa lakas ng pagsabog.

Unang naganap ang pagsabog sa Sennaya Ploshchad metro station, na sinundan ng ikalawang pagsabog sa Tekhnologichesky Institut station.

Nakatakda sanang makipagpulong si Putin kay Belarusian President Alexander Lukashenko sa nasabing lungsod.

Nagparating na ng pakikiramay si Putin sa mga pamilya at mahal sa buhay ng mga nabiktima ng mga pagsabog.

Sa ngayon ay isinara na lahat ng metro stations sa lungsod, at mas hinigpitan na rin ang seguridad sa mga istasyon ng tren sa Moscow bilang pag-iingat na din sa posibleng kasunod na pag-atake.

Samantala, wala namang Pinoy na napaulat na nadamay sa naturang pagsabog.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.