Mas mahigpit na regulasyon sa mga “retoke” clinics inihirit sa Kamara

Shiryl-Saturnino-2
Inquirer file photo

Kinalampag ni Quezon City Rep. Winston Castelo ang Department of Health o DOH ukol sa regulasyon sa mga beauty clinics sa buong bansa.

Ito ay kasunod ng pagkasawi ng businesswoman na si Shiryl Saturnino sa “The Icon Clinic” matapos na sumailalim sa cosmetic surgery procedures.

Giit ni Castelo, dapat inspeksyunin ng DOH ang lahat ng beauty clinics sa bansa upang masilip kung may kaukulang permits ang mga ito para mag-operate.

Importante rin aniya na may maayos na pasilidad at medical equipment ang beauty clinics upang matagumpay at ligtas ang mga isasagawang surgery.

Paalala ng mambabatas, kailangan na mamonitor at higpitan ng gobyerno ang regulasyon sa beauty clinics upang hindi na maulit ang sinapit ni Saturnino.

Maliban dito, ipinabubusisi na ng kongresista sa DOH kung may lisensya, kwalipikado at highly-skilled ang mga doktor para magsagawa ng mga maseselang operasyon.

Aniya, may mga report na ang ilang surgeons sa ilang beauty clinics ay hindi totoong surgeons at nakakalusot para magsagawa ng operasyon.

Read more...