Bagong anti-smoking ordinance ng Maynila, pasado na sa City Council

MAYNILA SMOKING ORDINANCE
INQUIRER FILE PHOTO

Inaprubhan na ng Sangguniang Panglungsod ng Maynila sa third and final reading ang bagong anti-smoking ordinance sa lungsod.

Papalakasin ng bagong Ordinance No. 7812 o Smoke-free Ordinance of the City Government of Manila ang dati nang Anti-Smoking Ordinance No. 7748 na ipinapatupad na simula pa noong 1991.

Ayon sa may akda ng bagong anti-smoking ordinance na si Councilor Casimiro Sison, bawal na ang paninigarilyo sa lahat ng public buildings, facilities, at establishments na ginagamit, pagmamay-ari o kontrolado ng City Government ng Manila.

Kabilang dito ang plaza, palengke, ospital at eskwelahan.

Bawal din manigarilyo sa 100 metro ang layo mula sa mga nabanggit na lugar.

Bawal din ang paninigarilyo sa mga pampublikong sasakyan dahil may umiiral na rin na national law laban dito.

Ang sinumang lalabag sa bagong ordinansa ay papatawan ng multang P2,000 at isang araw na pagkakakulong sa unang paglabag; P3,000 sa ikalawang paglabag at dalawang araw na kulong at P5,000 at tatlong araw na kulong sa ikatlong paglabag.

Sa lumang ordinansa, P300 lamang ang multa at hanggang dalawang araw lamang ang kulong.

Kasama rin sa bagong anti-smoking ordinance ang pagbabawal sa possession ng kahit anong tobacco products kasama na ang vape.

Maglalagay naman ng smoking area sa labas ng mga gusali na pagmamay-ari ng gobyerno basta’t hindi ito bababa sa 10 metro ang layo sa dinadaanan ng mga tao at kinakailangang may mga signs na smoking area at minors not allowed na may mga kasama pang graphic health warning signs.

Magiging epektibo ang ordinansa kapag nalagdaan ni Manila Mayor Joseph Estrada at 15 araw matapos ilathala sa mga pahayagan.

Read more...