Search and rescue operations sa lumubog na South Korean cargo ship sa Uruguay, ipinagpatuloy

South Korean cargo ship
Photo from Associated Press

Nagpapatuloy ang isinasagawang search and rescue operations sa lumubog na South Korean cargo ship sa Atlantic Ocean, sa bahagi ng Montevideo, Uruguay.

Ilang barko at aircraft na ang pinadala ng iba’t ibang bansa para tumulong sa paghahanap sa iba pang posibleng mga nakaligtas sa insidente.

Isang Brazilian aircraft na din ang tumutulong sa search operations maging ang apat na Korean merchant ships at isang Argentine navy ship.

Ang Stellar Daisy, na isang Very Large Ore Carrier (VLOC) at may kapasidad na mahigit 260,000 tons, ay may sakay na labing anim na Filipino at walong Koreanong crew.

Noong nakaraang Biyernes, nagsagawa ng emergency call ang naturang barko kung saan nabatid na pinapasok na ng tubig.

Ayon kay Gaston Jaunsolo, tagapagsalita ng Uruguayan Navy, sa labing anim na Pinoy crew, dalawa dito ang nailigtas noong Sabado habang nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon ang search operations.

Hindi pa rin aniya malinaw kung ano ang sanhi ng paglubog ng naturang barko.

Dagdag ni Jaunsolo, ligtas at maganda ang kalagayan ng dalawang nailigtas na mandaragat.

Mula sa isang port sa Brazil ang naturang barko pero hindi malinaw kung saan ang destinasyon nito.

Read more...