4 na suspek sa Dr. Dreyfuss Perlas murder, kinasuhan na

 

Philhealth Iligan/Inquirer.net

Sinampahan na ng kasong murder ng pulisya ang apat na suspek sa pagpatay sa ‘Doctor to the Barrio’ na si Dreyfuss Perlas noong March 1.

Ang 31-anyos na si Dr. Perlas na municipal health officer ng bayan ng Sapad ay matatandaang binaril hanggang sa mapatay habang nakamotorsiklo sa Kapatagan, Lanao Del Norte.

Kinumpirma ni Sr. Supt. Faro Antonio Olaguer, Lanao Del Norte police provincial director na inihain na ang reklamo laban sa apat na suspek sa Lanao Del Norte Provincial Prosecutor’s Office.

Ayon kay Olaguer, dalawa sa apat na suspek ay positibo nang kinilala ng mga saksi at mga imbestigador.

Lumlitaw aniya na may kinalaman sa kanyang trabaho ang motibo sa likod ng pamamaslang sa biktima.

Ang pagpatay kay Perlas ay nagdulot ng matinding pagkondena mula sa iba’t-ibang sektor.

Ito’y dahil isa ito sa mga nagpatuloy na manatili sa naturang probinsiya kahit natapos na ang panahon upang manilbihan bilang volunteer sa ilalim ng ‘Doctor to the Barrio’ program ng gobyerno.

Read more...