Pagbabago ng pangalan ng Benham Rise tungo sa Philippine Rise, suportado sa Kamara

 

Suportado sa Kamara ang plano ng Duterte administration na palitan ang pangalan ng Benham Rise, tungo sa Philippine Rise.

Ayon kay House Committee on National Defense Vice Chairman at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, ang hakbang ng pamahalaan ay napapanahon at talagang kinakailangan.

Aniya, alinsunod sa determinasyon ng Commission on the Limits of the Continental Shelf ng United National Convention on the Law of the Sea, ang Benham Rise ay bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Kaya makatwiran na palitan ang tawag dito at para na rin maigiit ng sovereign rights ng Pilipinas sa underwater geographic feature.

Kinumpirma ni Biazon na maghahain siya ng isang resolusyon sa kapulungan bilang pagkatig sa renaming ng Benham Rise.

Nauna nang sinabi ng Department of Foreign Affairs o DFA na mayroong direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa pagbabago ng pangalan ng Benham Rise.

Ayon sa DFA, orihinal na suhestiyon na gawing Philippine Rise ang Benham Rise, upang mapalakas ang kaparatan ng ating bansa sa nabanggit na teritoryo.

Naging laman ng mga balita ang Benham Rise matapos mapaulat ang paglalayag ang research vessel ng China.

Ang Benham Rise ay matatagpuan sa silangang bahagi ng Luzon na may lawak na 13 milyong ektarya at hitik sa likas na yaman.

 

Read more...