Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na inutusan niya ang mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na patayin ang gambling tycoon na si Jack Lam.
Ipinaliwanag ni Duterte na hindi niya nagustuhan ang pagyayabang ni Lam na kaya niyang bayaran at suhulan ang lahat ng opisyal ng pamahalaan kaya siya tumagal sa Pilipinas ng hindi nagbabayad ng tamang buwis.
Sa kanyang talumpati sa “Digong’s Day for Women” sa Malacañang, sinabi ng pangulo na noong nakarating sa kanya ang impormasyon na nasa Clark si Lam ay kaagad niyang tinawagan ang mga opisyal ng NBI na arestuhin.
Tinanong umano siya ng isang NBI official kung ano ang kaso para kay Lam sinabi niyang wala pero pag pumalag ay patayin na nila.
Sa kabutihang palad ay hindi umano inabutan ng mga NBI operatives anf nasabing Chinese gambling tycoon kaya ito nakalabas ng bansa.
Hindi umano pagbibigyan ng pamahalaan ang hirit ni Lam na gawing “8 gives” o hulugan ang halos ay P1 Billion niyang utang sa pamamagitan ng mga hindi binayarang buwis sa Casino operations sa mga nakalipas na taon.
Sinabi ng pangulo na kailangan nila ang P1 Billion para sa pagpapatayo ng isang ospital sa Jolo, Sulu at Basilan pati na rin ang pagsasa-ayos ng Mary Johnston Hospital sa Tondo.
Kapag nakuha umano ang nasabing halaga mula kay Lam ay sa nasabing mga proyekto niya ilalagay ang naturang pondo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.