Sa inilabas na desisyon ng Third Division ng Korte Suprema, kinatigan nito ang naunang desisyon ng Office of the Ombudsman noong January 9, 2013.
Dito, nakasaad na guilty si Police Senior Supt. Luis Saligumba sa simple neglect of duty dahilan para parusahan siya ng anim na buwang suspensyon.
Gayunman, iniakyat ni Saligumba sa Court of Appeals ang kaniyang kaso, kung saan siya inabswelto, at dito na nagdesisyon ang Ombudsman na lumapit na sa SC.
Ang nasabing kaso ay tungkol sa napagkasunduang pagbili ng 75 rubber boats at 18 na spare engines o outboard motors ng PNP na nagkakahalaga ng P131.5 milyon noong 2009.
Ito sana ay gagamitin sa mga security at disaster operations ng PNP Maritime Group, ngunit nang matanggap nila ang mga ito, nadiskubre nilang depektibo ang mga kagamitan.
Si Saligumba ay miyembro ng Inspectiuon and Acceptance Committee (IAC) ng PNP, na nakatalaga sa pagtanggap o pagtanggi sa mga dumadating na deliveries.
Iginiit ni Saligumba na dumipende lamang siya sa mga ulat na ibinigay ng mas matataas na opisyal na nakatalaga sa procurement, nang lagdaan niya ang tungkol sa specifications ng mga kagamitan.
Inabswelto siya ng Court of Appeals dahil labas na umano sa kaniyang trabaho ang nasabing isyu na dahilan ng pagpataw sa kaniya ng simple neglect of duty.
Gayunman, iginiit ng mataas na hukuman na mapapatunayang nagkaroon ng kapabayaan sa panig ni Saligumba, dahil inamin nitong hindi niya ininspeksyon ang mga rubber boats na sakop ng kaniyang tungkulin sa IAC.