Drug rehab facility sa Nueva Ecija, halos walang laman; Mga bilangguan, siksikan sa mga adik
Mangilan-ngilan pa rin ang mga sumasalang sa rahabilitasyon sa bagong Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center (DATRC) sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.
Ito’y taliwas sa sitwasyon sa mga bilangguan sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na halos umaapaw na ang bilang ng mga bilanggong sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Ricojudge Janvier Echiverri, Assistant Interior Secretary for External and Legislative affairs ng DILG, walang drug dependent na nagboboluntaryo upang sumalang sa rehabilitation sa naturang pasilidad.
Hindi naman nila aniya mapwersa ang mga drug dependents na sumalang sa rehab dahil kailangang boluntaryo ang paspasok ng mga ito sa programa.
Napakalaki aniya ng gastos sa maintenance sa DATRC ngunit halos walang nais na manatili doon.
Dahil dito, balak ni Echiverri na sumulat sa Supreme Court administrator upang hilingin sa mga huwes na mag-refer ng mga drug user sa pasilidad sa Nueva Ecija.
Samantala, kung maluwag sa naturang rehab facility sa Nueva Ecija, matindi naman ang pagsisikip sa mga bilangguan.
Ayon kay Chief Supt. Allan Iral, deputy chief for operations ng bureau of Jail Management and Penology, umaabot sa tatlong libong posrsiyento (3,000%) ang congestion rate sa ilang kulungan sa bansa.
Sa ilang mga bilangguan aniya, nasa 80 porsiyento ng mga preso ay sangkot sa ipinagbabawal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.