Operasyon ng klinika kung saan namatay ang isang ginang, pansamantalang pinatigil ng Mandaluyong
Pansamantala na munang isinara ang clinic sa Mandaluyong City kung saan nasawi ang negosyanteng si Shiryl Saturnino matapos sumailalim sa tatlong uri ng pagpapa-retoke.
Ito ay dahil sa sinasabing kakulangan ng Icon Clinic ng ilang mga permits, at dahil na rin sa pagiging kwestyunable ng operasyon ng kanilang negosyo.
Ayon kay Mandaluyong City Medical Director Dr. Zaldy Carpeso, kwestyunable ang paggamit ng nasabing clinic ng dalawang kumpanya bilang operator at may-ari.
Base kasi sa kanilang mga dokumento, ang nakakuha ng permit ay Managed Care Philippines Inc., pero ang operator ay ang Icon Clinic.
Gayunman, nilinaw naman ni Carpeso na normal lang ang pagsasagawa ng tatlong aesthetic procedures nang sabay-sabay, at sa katunayan ay maari pa itong umabot sa lima.
Matatandaang tumungo si Saturnino sa Icon Clinic para sa breast at butt augmentation at liposuction.
Aniya, maari naman itong gawin basta’t nakakuha ang pasyente ng cardiopulmonary evaluation clearance mula sa kaniyang doktor bilang patunay na kakayanin niya ang operasyon.
Samantala, ayon naman kay Mandaluyong City legal counsel Jeffrey Omadto, walang permit ang Icon Clinic para sa ambulatory surgical services.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga otoridad kung ano ang naging dahilan ng pagkasawi ni Saturnino.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.