Ayon kay House Speaker Pantaleon Alvarez, kapwa idadaan sa proseso ang mga reklamong laban sa dalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Hindi aniya maaaring balewalain ito ng Kamara dahil ang kapulungan ang may mandato na unang duminig ng impeachment complaint base sa Saligang Batas.
Pero giit ni Alvarez, walang dahilan para hindi maaksyunan ang mga prayoridad na panukala ng administrasyong Duterte.
Mayroon aniyang hiwalay na mga komite na tatalakay sa mga panukala bago ito mai-akyat sa plenaryo para sa kaukulang approval.
Kabilang sa mga nakabitin pang priority measures sa Kamara ang panukala na ibaba sa siyam na taong gulang ang Minimum Age of Criminal Responsibility, Comprehensive Tax Reform Package at Charter Change.
Ngayon ay inaasahang ihahabol pa sa priorities ang postponement ng halalan sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK).