Nilinaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tanging ang mga sundalo, pulis at iba pang law enforcement agencies lamang ang legal na mga institusyon na dapat may hawak ng armas.
Ito ang pagbibigay diin ni AFP Spokesman BGen. Restituto Padilla bilang tugon sa sinabi ni dating Bayan Muna Rep. Satur Ocampo na idinidepensa lamang ng mga kasapi ng New People’s Army ang kanilang mga sarili laban sa militar kaya may taglay na mga armas ang mga ito.
Giit ni Padilla, kailangang maipaliwanag at maintindihan ng mamamayan na sinumang grupo o indibidwal na nagtataglay o may hawak ng mga armas na walang kaukulang lisensiya ay iligal.
Kaya kahit umano saan anggulo tingnan, maituturing aniyang karahasan at labag sa batas ang mga aktibidad na ginagawa ng NPA gamit ang mga armas na iligal nilang nakuha o hawak hawak ngayon.