Matobato, ipinaaaresto ng korte sa Davao

edgar-matobato-1-620x413Ipinag-utos na ng Regional Trial Court sa Davao ang pag-aresto sa confessed killer na si Edgar Matobato, dahil sa pagdukot sa Turkish national na si Sali Makdum noong 2002.

Wala ring inirekomendang piyansa si Judge Dorothy Gonzaga ng RTC 4 sa Panabo City, Davao del Norte laban kay Matobato at sa isang Sonny Custodio.

Matatandaang inamin ni Matobato sa mga pagdinig sa Senado tungkol sa Davao Death Squad na dinukot nila ni Custodio si Makdum sa Samal Island noong 2002 base sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na dating alkalde ng Davao City.

Ayon kay Matobato, isang hinihinalang terorista si Makdum.

Binigyan ni Gonzaga ang mga pulis at ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ng 10 araw para arestuhin si Matobato sa bisa ng arrest warrant.

Ayon naman kay Atty. Arnold Rosales na director ng NBI Southern Mindanao, nakikipag-ugnayan na sila sa NBI sa Dagupan City para sa pag-aresto kay Matobato.

Base kasi sa pinakahuling impormasyong hawak ng NBI, si Matobato ay nasa isang safe house sa Pangasinan.

Dagdag pa ni Rosales, maari ding si Sen. Antonio Trillanes IV ang mag-facilitate na lang sa pagsuko ni Matobato.

Read more...