2 tauhan ng Coast Guard na bihag ng Abu Sayyaf, nakatakas

screengrab-from-fb-300x225Nakatakas ang dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa pagkakabihag sa kanila ng Abu Sayyaf.

Ayon kay Col. Noel Detoyato, Public Affairs Office (PAO) head ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sina SN1 Rod Pagaling at SN2 Gringo Villaruz ay nakatakas sa kasagsagan ng engkwentro sa pagitan ng militar at Abu Sayyaf sa Sulu.

Sa pahayag ni Villaruz, kapwa sila nakatakbo ni Pagaling habang nagsasagawa ng massive operation ang militar sa Abu Sayyaf sa Indanan, Sulu kung saan nasa 20 miyembro ng bandidong grupo ang nasawi.

Sinabi ni Detoyato na dinala na sa pagamutan ang dalawa para sila ay masuri.

Sina Villaruz at Pagaling ay dinukot ng Abu Sayyaf noong May 4 sa Aliguay Island sa Dapitan City, kasama ang kapitan ng barangay Aliguay na si Rodolfo Boligao.

Si Boligao ay pinugutan ng ulo ng mga bandido at natagpuan ang katawan nito sa Maimbung, Sulu noong August 11.

Noong buwan ng Hunyo, nag-viral pa sa Facebook ang video ng tatlo habang nananawagan ng tulong sa pamahalaan.

Sa nasabing video, ipinakita ang tatlong bihag na magkakatabi, nakaluhod, nakatali ang kamay sa likod at nakapiring ang mata.

Bawat isa sa kanila ay pinagsalita at nanawagan sa administrasyon at pamunuan ng Coast Guard para sila ay iligtas.

Makikita sa video na bantay sarado sila ng walong lalaki na armado ng baril at bolo na nakatakip ang mga mukha./ Dona Dominguez-Cargullo, Jan Escosio

Read more...