Pag-ipit ng C.A sa kaso ni Mary Jane Veloso binatikos ng isang Obispo
Nagpahayag ng kanyang labis na pagkadismaya si Balanga Bishop Ruperto Santos sa pagpigil ng Court of Appeals sa pagkuha ng deposition ni Mary Jane Veloso na nakakulong sa Indonesia dahil sa pagpapasok ng droga.
Sinabi ni santos na ang hakbang na ito ng C.A ay maituturing na ‘justice delayed’ at tila pagbalewala sa kondisyon ni Veloso na ngayon ay nasa death row dahil sa drug trafficking.
Nag-ugat ang desisyon ng appellate court na pigilan ang desisyon ng korte sa Nueva Ecija na makuha ang salaysay ni Veloso sa petisyon ni Maria Cristina Sergio at Julius Lacanilao na itinuturong mga recruiters ni Veloso.
Nagpalabas ang C.A ng 60-day Temporary Restraining Order (TRO) kaya’t iginiit ng Obispo na patatagalin lang nito ang paghihirap ni Veloso dahil hinihintay na lang ng gobyerno ng Indonesia ang desisyon sa isinampang mga kasong human trafficking, illegal recruitment at swindling laban kina Sergio at Lacanilao.
Magugunita na hindi natuloy ang pagbitay kay Veloso noong April 2015 matapos umapela si dating Pangulong Noynoy Aquino kay Indonesia President Joko Widodo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.