Kongresista inireklamo ni Speaker Alvarez sa Ombudsman

alvarez-Floreindo
Inquirer file photo

Ipinagharap ni House Speaker Pantaleon Alvarez ng reklamong katiwalian sa Office of the Ombudsman si Davao del Norte Rep. Antonio Floirendo.

Ito ay kaugnay sa joint venture agreement ng Tagum Agricultural Development Company Incorporated o TADECO sa Bureau of Corrections o BuCor para sa pag-upa ng lupain sa Davao Penal Farm.

Batay sa reklamo ni Alvarez, ang kasunduan ay unang pinasok ng TADECO sa BuCor noon pang 1969 para upahan ang 3,000 hectares ng Davao Penal Colony na ginawang plantasyon ng saging.

Ang TADECO ay pagmamay-ari ng pamilya ni Floirendo, na bukod sa isang kongresista ay nakilala bilang isa sa pinakamalaking donor ni Pangulong Rodrigo Duterte noong kampanya para sa 2016 Presidential elections.

Ang kasunduan ng TADECO at BuCor ay na-renew noong 2003 o panahong nasa 2nd term bilang kinatawan ng Davao del Norte si Floirendo.

Giit ni Alvarez, nilabag ni Floirendo ang Anti-Graft law at Saligang Batas dahil bawal ang sinumang opisyal ng pamahalaan na magkaroon ng financial interest sa anumang kontrata o transaksyon sa gobyerno.

Dagdag ng House Speaker, walang patunay na nag-divest na si Floirendo ng interes sa TADECO maging sa subsidiary nito na ANFLO Management at Investment Corporation.

Read more...