Sa 76th birth anniversary ni FPJ, anak na si Grace Poe, hinikayat na tumakbong pangulo
Dinagsa ng mga supporters ang museleo ng pamilya Poe para makiisa sa paggunita ng araw ng ika-76 kapanganakan ng yumaong si Fernando Poe Jr., na nakilala sa larangan ng pelikula bilang “Da King”.
Nagdaos ng misa sa puntod ni FPJ sa Manila North Cemetery na dinaluhan ng mag-inang Susan Roces at Senator Grace Poe at malalapit na kaibigan ni FPJ kabilang si Manila Mayor Joseph Estrada.
Pero ang higit na kapansin-pansin ay ang naglalakihang mga banner at streamers na mistulang naghihikayat kay Grace Poe na tumakbo sa pagka-pangulo sa 2016. Nakasaad sa mga streamers ang mga salitang “GPMP 2016”, “Grace Poe for People” at “Takbo Poe”.
Maging si Fr. Larry Faraon na siyang namuno sa isinagawang misa, ay naisingit din sa kaniyang homily ang pagtulak kay Poe na tumakbo sa 2016 elections.
Ayon kay Faraon, si FPJ na dapat na ika-14 na Pangulo ng bansa ay dinaya, at ang anak niyang si Grace Poe ang magpapatuloy ng kaniyang legacy. Sinabi rin ni Faraon na ang senadora ay pinipilit na maging running mate at tumakbong bise presidente gayung pwede naman siyang maging una o tumakbo bilang presidente.
Pinayuhan pa ni Faraon si Poe na sabihan ang kaniyang mga kritiko na ‘hindi na sila sisikatan ng araw’. “Si Grace Poe ay hindi ampon kung hindi pinili… pinili ng sambayanan at pipiliin pa sa 2016. Pinipilit siya maging pangalawa pero puwede naman una. Huwag tayong magpapilit,” ayon kay Faraon
Samantala, sa kaniyang pahayag, inalala ni Senator Poe ang mga natutunan niyang aral sa kaniyang ama. Kabilang aniya dito aniya ang pagiging sinsero sa pagtulong sa kapwa, huwag maging mayabang at laging maging mapagpakumbaba at tapat sa lahat ng ginagawa.
Pinasalamatan ng senadora ang mga tagasuporta ng ama at hiniling na panatilihin sa kanilang mga puso ang insiprasyong iniwan ni FPJ./ Ruel Perez
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.